[Tabas ng Dila] Pustahan pa tayo!

[Tabas ng Dila] Pustahan pa tayo!

Pinadali ng teknolohiya at media ang pagtaya ng marami sa atin sa sugal — online. Hindi katulad dati na kailangan mong pumunta mismo sa sugalan para makapagsugal. Hindi ako magmamalinis, mahilig ako sa sugal dati. Borderline sugarol na nga siguro ako noong unang panahong sikat na action star pa of the Bad Boy and Maging Sino Ka Man mold si Senador Robin Padilla. Lumaki akong maraming sugalan sa aking pamayanan sa Valenzuela at Obando noong ’80s at ’90s. Grade 2 yata ako nang matutong magpusoy, first year high school nang matutong magtong-its kasabay ng matutong magsakla at mahjong. Basic lang ang bingo, cara y cruz, at lucky nine. Walang masyadong komplikasyon ang jueteng na natutuhan ko nang maging kobrador ako noong magtigil sa pag-aaral sa pagitan ng second at third year high school to augment the small salary sa pagiging child-laborer sa isang pabrika ng trophy.Alam ng mga kamag-anak at mga tropa ko ang pinagdaan kong ito. Kaya nilang patunayan kung gaano ako katuso (tuso, ha, hindi mandaraya) sa sugal noon. Alam ng nanay at tatay kong nagsusugal ako; na nakakabili ng bigas at ulam dahil sa premyo ng sugal. Alam ng asawa ko na, noong nasa kolehiyo pa kami, madali akong mahatak sa sugalan. Mahilig akong mag-compute ng probability at odds sa baraha at dice at bolilyo ng bingo.Nang mag-alaga ng manok na panabong ang kuya ko, kasama ako sa sabungan sa Malanday, Valenzuela, at sa Dampalit, Malabon. In between sultada ng tandang, kung hindi rin lang ako magtrabesya (pagpusta sa mga manok, iba pa sa mismong manok na dala mo at ilalaban mo), tong-its ang gagawin namin hanggang sumalang sa derby ang manok namin. Sanay akong manalo. Sanay din akong matalo. Walang biro, sa sugal ko nakuha ang mathematical acumen ko noong high school at college. Walang naniniwala sa titser ko noon na kaya ako may talent sa numero ay dahil sa sugal, pero sa mga tropa ko, buhay na patotoo sila kung gaano ako kamulat sa usaping pera at numero hanggang ngayon. Kultura ng sugal Saksi ako sa maraming miserableng buhay dulot ng sugal. Saksi ako sa mga tumataya sa sabong na hindi nagtitira ng kahit pamasahe pauwi sa kani-kanilang bahay. Saksi ako sa mananabit ng pusta o iyong pumusta kahit walang ipambabayad sa kalaban. May kilala akong imbes ipambili ng bigas ang huling pera, itataya sa video-karera, last digit ending, o sakla. May kilala akong itinaya at ipinatalo sa sugal ang perang pangmatrikula. Lahat ito ay nangyari noong kailangan mong tumaya nang cash sa kobrador ng jueteng at jai-alai, sa pambayad sa ticket ng lotto. Cash ang inihahagis na bungkos ng pera sa kapustahan kapag tapos na ang isang sultada sa sabungan o sa friendly neighborhood tupada. Maruming pera ang pantaya at premyo. Nakalamukos. Puwedeng barya, lalo sa peryahan at nakatagong puwesto ng video-karera at fruit game. Walang intervention ng teknolohiya ang pagsusugal maliban sa mga slot machine sa loob ng casino na sasadyain mo. Nagkakatalo lang ng taya dahil sa tiklop ng pera (sa sakla o monte), sa guhit ng bolpen (sa jueteng), at sa muwestra ng kamay (sa sabong). Nangyari ito noong wala pang nag-eendorso ng sugal maliban sa manaka-nakang patalastas ng sweepstakes at PAGCOR.Nasa kultura, pagkatao, at kasaysayan natin ang sugal. Nasa guniguni ito ni Rizal dahil sa kaniyang mga tauhang sabungero pangunahin na si Kapitan Tiago. Bukod sa makulay na pagsali sa tupada’t pintakasi sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, batay sa mga salin ni Virgilio S. Almario sa dalawang nobela ni Rizal, marubdob ding pinag-usapan ng iba pang sugarol na kaibigan ni Kapitan Tiago habang nakikipaglamay sa mismong labi ng kapitan ang kagila-gilalas na sabong na magaganap sakaling magharap ang mga tandang ni San Pedro at Kapitan Tiago pagsapit ng huli sa tarangkahan ng langit. Sasabihin ng isang Don Primitivo ang “an gallus talisainus, acuto tari armatus, an gallus beati Petri bulikus sasabungus sit” — na isinalin ni Almario bilang: “kung may manok na talisain, armado sa matalas na tari, kung ang manok ng banal na Pedro ay bulik na sasabungin.” (El Filibusterismo, p. 247)Hindi ko alam kung nagsasabong si Rizal (na tumaya at nanalo sa loterya habang siya ay nasa Dapitan!) pero nilikha at binigyang-buhay rin niya sa Noli Me Tangere ang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno. Nalimas dahil sa sabong ang pera ng magkapatid kaya napilitang umutang kay Lucas na noon ay may pakanang magtataguyod ng rebolusyon laban sa pamahalaang Español ang grupong pinangungunahan kunwari ni Ibarra. Napilitang sumali ang dalawa kapalit ang natalong pera sa sabong na, ultimately, dahilan kung bakit sila napahamak.Samantala, may tulang “Ang Manok Kong Bulik” si Jose Corazon de Jesus na tungkol pa rin sa pagkatalo sa sabong sanhi ng naduwag o natiyopeng tandang na walang kaugat-sugat. Tulang pasalaysay naman ang “Ang Pangginggera” ni Lope K. Santos hinggil sa sugal na panggingge na sumisira sa buhay noong panahong kapapasok lang ng 1900s. Isinulat naman ng mamamahayag at kalaunan ay senador na si Francisco “Soc” Rodrigo ang masayang dula — well, masayang dula dapat despite the miserable outcome sa kabuhayan ng mag-asawang tauhan — ang Sa Pula, Sa Puti na unang itinanghal noong bago mag-World War II. Naka-embed sa kasaysayan at panitikan natin ang sugal. Malawak, malalim. Kaya nga kaydali nating sabihin ang “pustahan pa tayo” sa alinmang pagtatalo. Nariyan ang lotto, mga casino, peryahan, pa-binggo, raffle, karera, derby at mga kapalarang taya ang perang nakatadhana sa baraha o dice. Narito sa paligid natin ang sugal. Pero kailangan mo noong sadyain ang sugalan. Pisikal na lugar kung saan nagtitipon ang kapwa magsusugal. Kailangang may dalang pera, o may mamahaling bagay na pansangla — alahas, sasakyan, o gaya ng kuwento sa amin noong bata pa kami, titulo ng lupa o mismong kalabaw ng magasasaka imbes na pera — para ipantaya sa sugalan. Alam nating hindi na ganito ngayon. Accessibility ng sugal Pinadali ng teknolohiya at media ang pagtaya ng marami sa atin sa sugal. Bukod sa internet at smartphone at malaganap na app, depende sa pananaw mo — investor, enabler, endorser, o nagtratrabaho lang bilang developer at programmer ng gaming app — nariyan ang mga sikat na personalidad para manghikayat itaya ng mamamayan ang kanilang pera sa mas mabilis nang paraan ng pagsusugal: online.Hindi katulad dati na kailangan mong pumunta mismo sa sugalan para makapagsugal: sabungan, peryahan, karerahan, tayaan ng lotto, at mga sulok-sulok ng bahay kung saan naglalaro ng pusoy, tong-its, at mahjong. Internet application at e-wallet na lang ngayon ang katapat ng mga pagsusugal. Idagdag pa ang kakayahang mangutang online, ang kakayahang magsugal ng marami nating mga kababayan ay napadali ng government-sanctioned gaming (ayaw nilang patawag na gambling) corporations na pinupuhunanan ng mga kilalang tycoon sa bansa.Isama pa ang dati nang moda ng pagtaya, gaya ng small town lottery, binggohan sa mall, mas maraming lotto variations kaya naman ang dali nang magsugal. Yes, itong aksesibilidad ang mas nagpalawak sa pinsala ng sugal sa ating bayan, itong cashless gambling na lisensiyadong mag-operate sa ating bansa.Nagkalat na ang balita hinggil sa mga nalulong sa sugal gamit lamang ang smartphone. Malaking usapin kung paano ire-regulate ito sa ngayon. Dahil, sa totoo lang, mayroong ginagawang pampalipas-oras ang pagtaya at tuluyang pag-ubos sa pera. Naipit sa traffic, ano ba naman ang ilang click? Nakatunganga? Malay mo’y makatsamba. Dahil, sa totoo lang, kung walang pisikal na perang hawak, psychologically, mas dumadali ang paggasta o pagsusugal. May bagong tawag dito sa ilalim ng consumer purchase behavior: spendception.Hindi lang naman sa sugal nagma-manifest ang “spendception” o ang “reduced psychological resistance to spending when using digital payment methods” kung ihahambing sa paggastos o pagtaya gamit ang cash. Mas madali na raw tayong mag-checkout sa marketplace, mas ginhawang magbayad sa public utilities (puwera kuryente, napakamahal, nakakasama na ng loob!). Mas madali dahil sa “diminished visibility of transactions and the perceived ease of payments.” Click lang nang click. Madaling magbayad at magpatalo. Madali rin makuha ang paminsan-minsang premyo, deretso na sa e-wallet. Walang mahabang pila, walang makapal na bulsa.Kung e-wallet at smartphone app ang gamit sa cashless gambling, mas nagiging impersonal. At batay sa ibang pag-aaral, may pakiramdam na “play money” ang itataya imbes na nanlilimahid na perang maipambibili ng isang kilong bigas sa kanto.If it’s of any consolation, hindi lang naman ito sa atin. Mistulang global malady na ang pagkagumon sa online gambling ng sangkatauhan. Bilyong pisong industriya ito sa ating bansa kaya naman hindi nakapagtatakang nagkalat ang promotion nito sa iba’t ibang platform, online man o traditional. Sponsor din ang mga gaming corporation ng maraming sporting events at social causes kasama ang ibang foundation. At kung magpo-promote din lang ng mythical “responsible gaming,” hindi mawawala ang mas marami at mas malalakas na panghihikayat tumaya sa mas inconspicuous na paraan gaya ng pamimigay ng iPhone kapalit lang ng like, kauntng comment, at follow. Kung baga sa sugal, walang perang taya para manalo ng magarang telepono. Ano ba naman ang saglit na pag-hit ng like at follow button at comment kung anong kulay ng iPhone ang gusto mong mapasaiyo? Walang katalo-talo dahil walang perang puhunan. Kaya naman naging lubhang popular at naging usapan ang ganitong marketing ploy.Oo, marketing ploy. May namuhunan para sa talent fee ng personalidad. May nagbayad para bilhin sa mas murang halaga ang iPhone. May nagmo-monitor ng engagement. May team na ilang beses nag-brainstorming para lang mailunsad ang patalastas. At marami pang ibang pinagkagastahan.Kasalanan nga ba ng mga sikat na personalidad kung mag-eendoso sila ng sugal? Kasalanan ba ng mga influencers at content creators na may malaganap na following kung pagkakakitaan nila ang following na ito? Malaking pera ang involved, tumanggi man ang isang personalidad, tiyak na may ibang sasambot para madagdagan ang kanilang yaman o lumago lalo ang kabuhayan. Sa isang bansang hindi naman natutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan, mas maraming umaasa sa pantasya ng life-changing jackpot o premyo ng sugal.May terrifying symbiotic relationship ang ating paghihikahos at ang pagnanais manalo sa sugal para makatakas sa kahirapang ito. Mas lumalaki ang mga sugalan dahil mas marami ang gustong tumaya para makamit ang pangarap na jackpot, mas naghihirap dahil mito lang din naman talaga ang paghango sa kahirapan dahil sa sugal na ang dali na ngayong tayaan. Maraming connivance: may sikat na personalidad at influencers na mag-eendorso ng sugal, may mga palabas na ang sponsor ay sugal, may ahensiyang binabayaran ng gaming corporations para sa game development at promotion ng sugal, may regulasyong ipinapataw ang PAGCOR na sinusunod naman ng mga gaming corporations para makapag-operate ng sugalan na pinagkakakitaan ng gobyerno (thereby ilang tiwaling politiko?) para may ipantustos sa pambili ng mga ambulansiya para sa naghihikhos na public hospitals sa bansa, may bilyonaryong namumuhunan sa IT infrastructure at gaming upang lalong yumaman dahil sa sugal, may isang empleyadong na-stuck sa traffic kaya nagpalipas-oras at nagsunog ng pera sa sugal na lalong maghihikahos upon realizing the remorse na dapat bigas na lang ang pinili niya kesa ipantaya sa sugal ang nalalabing pera.Isang miniscule tentacle lamang ang pag-endoso ng isang sikat na personalidad na ang gimik ay mamigay ng telepono kapalit ang pag-follow sa isang gaming company. Oo, pustahan pa tayo, dadami pa ang mga pakulong ganito, lalo’t maraming nakikinabang. Lalo’t naka-embed sa ating kultura ang sugal. Lalo’t naghahanap ng mas accessible na paraan ang mga kompanya para magsugal ang ating mga kababayang gustong tumakas kahit sandali sa kahirapan gamit ang ilusyong yayaman sila dahil sa sugal o ang mas malaking tsansang mawawalan sila ng pambili ng bigas at ulam. – Rappler.com Professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing. How does this make you feel? Loading

Original Source

Read the full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.