Ang mga Filipinong peryodista ay nagluluksa sa pagpanaw nina Eugenia 'Eggie' Apostol at Recah Trinidad, na parehong naging haligi ng industriya ng pamamahayag sa Pilipinas. Noong dekada '80, ang Piso-piso sa UST ay naging pook ng mga estudyanteng manginginom at mga literati, kung saan unang nadinig ang pangalan ni Recah Trinidad, na naging kilalang manunulat at editor. Si Eugenia Apostol ay naging editor ng Mr. & Ms. magazine at nag-ambag sa pagbuo ng Philippine Daily Inquirer, na naging mahalagang boses ng oposisyon laban sa rehimeng Marcos. This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors. Noong nakaraang linggo sinakluban ng pagluluksâ ng mga Filipinong peryodista sa magkasunod na pagpanaw ng dalawang haligi ng industriya. Pahintulutan po ninyo ang abang tambay na ito na saluduhan sila — si Eugenia “Eggie” Apostol at Recah Trinidad. * * * May urban legend noong early ’80s sa mga estudyanteng manginginom ng UST AB tulad ng tambay na ito. Sa Piso-piso kami nagpapalipas ng oras kapag may break sa pagitan ng mga klase. Kaniya-kaniyang dukot sa allowance para ambag sa pambilí ng pangpawi ng uhaw. Malamig na San Miguel Beer ang paboritong serbesa. Pero ang mga babae kong kaklase Red Horse ang tinutungga. Mas malakas pa sila uminom kaysa sa aming mga lalaki. Doon sa Piso-piso sa kalye Asturias halos katapat ng UST Dapitan gate ko unang nadinig ang pangalang Recah Trinidad. Yung henerasyon daw nila kasi ng mga taga-UST AB noong ’70s ang nagbansag sa Piso-piso. Mga literati ang pagkakakilanlan sa grupo nila Recah. Yari lang ng kahoy ang estrukturang puwesto ng Piso-piso, tulad ng mga tipikal na aksesorya o bahay-paupahan sa Maynila nung panahong ito. Lumalangitngit ang nilalakarang sahig. Kahoy na walang tapete ang mesa. Kahoy din ang mga upuan. Malapad at bukas na bukas ang kupas na bintanang capiz para makapasok ang preskong hangin Maynila. Mga dormitoryo, karinderya, sari-sari store at shop ng sastre’t modista ang makikita paglabas ng Dapitan gate. Walang pa yung mga mamahaling coffee shop at burger joints. Noong panahon iyon, dalawang restoran ang de-aircon ang malapit sa Dapitan gate, yung Janet’s at Food Pan. Parehong hindi ako nakakain sa dalawang iyan dahil hindi afford ng allowance ko. Dahil tinapos na ni Marcos Sr. ang Martial Law noong dulo ng 1980 pinayagang mag-organisa muli ang mga student council. Ipinagbawal kasi noong Batas Militar ang mga student council, tulad ng pagsupil sa malayang pamamahayag. Pero ang totoo, sa papel lang nawala ang Batas Militar — pakitang-tao ng rehimeng Marcos dahil iyan ang kasama sa mga kondisyon para paunlakan ni Pope John Paul II ang imbitasyon na dumalaw sa Pinas. Namulat ako sa pakikibaka noong panahon iyon dahil sa pagbabasa ng mosquito press, kasama na dito yung Mr. & Ms. magazine. Dahil yung mga malalaking mainstream media (TV, radyo, telebisyon) ay pag-aari ng mga crony ni Marcos, panay puri sa diktador ang mababasa, mapapakinggan, mapapanood dito. Ang nag-uulat o nagbibigay ng opinyon sa mga kabuktutan ng diktadurya ay yung mga maliliit na media na binansagang mosquito press. Doon sa Mr. & Ms. ko binabasa ang mga kolum nila Rene Saguisag, SP Lopez, Max Soliven. Yung nanay ko, palibhasa single parent ng tatlong growing boys, ginugupit ang pahina ng magasin para sa mga suggested ulam for the week. Ang editor at may-ari ng Mr. & Ms. ay si Eugenia D. Apostol. Kung tutuusin, mapanganib ang sumulat at magbasa ng mga anti-Marcos na artikulo noon. Maaari kang makulong. Kung susuwertihin, mawawalan ka lang ng trabaho. Kahit ganoon ang sitwasyon, tuloy pa rin ang paninindigan ni Ms Apostol sa Mr. & Ms. Si Recah naman naging unang editor ng Tempo, ang tabloid ng pro-Marcos na grupo ng pahayagang Bulletin Today. Panay din ang sundot ni Recah sa gobyerno sa mga editorial ng Tempo. Di nagtagal, sinibak sa trabaho si Recah. Sumunod sa kanya ang iba pang mga editor ng Tempo, kasama ang kanyang “sparring partner” na si Al S. Mendoza. * * * Nag-umpisa ako sa Philippine Daily Inquirer noong 1986, katatapos lang noon ng EDSA People Power at sinipa na ng taumbayan ang pamilya Marcos. Si Cory Aquino na ang pangulo. Maliit na pahayagan lang ang Inquirer noon. Ang opisína nito ay nasa 13th corner Railroad Street, Port Area. Building iyon ng Star publications ng pamilya ni Betty Go-Belmonte. Para sa isang uhúging sportswriter tulad ko, mind-blowing ang maging bahagi ng Inquirer at makasama ang mga idol mong manunulat. (Ang isa pang bigatin na naabutan ko sa Inquirer, bagaman hindi ko nakadaupang-palad ay ang National Artist na si Nick Joaquin. Ang kolum niyang “Small Beer” ay nasa page 1 ng PDI. Kaibigan ni Recah at Al si Ginoong Joaquin.) Tatlong grupo ang nag-ambagan para mabuo ang Philippine Daily Inquirer. Pangunahing layunin nila ang mabigyan ng boses ang oposisyon para sa pinatawag ni Marcos sa snap elections. Ang building at ang printing press (na nasa loob ng gusaling iyon) ang ambag ng grupo nila Betty Go. Yung grupong civil society na nakilala naming mga reporter noon ay pinamumunuan nila Dr. Florangel Braid, Danilo Venida, at Anicia Mejia, bitbit ang financial backing at administrative know-how. Si Eggie Apostol ang nagdala ng office equipment, at editorial staff. Doon sa pioneering PDI group kasama ang Big 3 na mga kolumnísta na sila Max Soliven, Art Borjal, at Louie Beltran, na siyang naging unang editor in chief. Maliit lang na kumpanya nag-umpisa ang PDI. Masikip na opisina, maingay, kulang sa gamit. Parang pamilya ang pagpapatakbo. Kaya’t yung mga reporter, Tita Eggie at Tita Betty ang tawag kay Mrs. Apostol at Mrs. Belmonte. Ang pangarap sana ng mga orihinal na bumuo ng PDI ay maging isa itong kooperatibang mga peryodísta ang magpapatakbo. Yun nga lang, medyo nalihis ito. Ikanga sa Ingles: “life happened.” Bandang July 1986 lumipat ang Inquirer sa bagong opisina, ang dating Madrid Restaurant sa EDSA, Mandaluyong (katabi ng noo’y Polymedic Hospital at ngayo’y VRP Medical Center). Noong araw na lumipat ang PDI sa Madrid ang araw din na pinaalam ni Tita Betty na aalis na siya ng Inquirer. (Sa ibang araw na yung kuwento ko tungkol diyan.) Kasama niyang umalis yung Big 3 na mga kolumnista. Si Tita Eggie at ang grupo ng civil society ang namuno muna kaya tuloy pa din yung pangarap na maging kooperatiba. Noong 1987, sa bisperas ng sana’y unang company-sponsored Valentine’s Party na gaganapin sa bagong opisina sa Madrid, inanúnsiyó ng mga reporter na binuo nila ang PDI Employees’ Union. Kasabay nito sinabi sa management ng bagong silang na union na nais nilang bumuo ng collective bargaining agreement. Bagaman nginingitian pa rin niya kami, tumamlay ang pakikiharap sa amin ni Tita Eggie. Noong unang CBA ng PDI, nakumpirma namin na kahit may tampo sa amin si Tita Eggie, ang puso niya ay nasa kapakanan ng mga peryodista. Halos patapos na ang negosasyon sa CBA, nung may dalawang probisyon na pinadagdag sa kasunduan sila Tita Eggie at yung grupo nila Dr. Braid. Una, ang magkaroon ng health insurance ang mga empleyado na tutustusan ng kumpanya. Ikalawa, ang magkaroon ng profit-sharing. Noon at magpa-hanggang ngayon, bihira ang kumpanyang kusang nagbibigay ng bahagi ng kinita sa mga manggagawa. Hindi ito hiningi ng PDIEU. Management sa ilalim ni Tita Eggie at nung grupong civil society ang nagdagdag nito sa CBA. Natural, wala kaming tutol. Kahit alam namin na noong panahon iyon, halos walang kinikita ang PDI. * * * Taga-sambot ako nung araw ng kolum ni Ka Recah. Dinidikta niya ito sa telepono (landline, dahil hindi pa naimbento noon ang cellphone), at agad ko naman tinitipa sa typewriter. Dito ko unang nakasalamuhà ang alamat. Bukod sa sports kolum niyang “Bare Eye,” minsan idinidikta rin sa akin ni Ka Recah ang kanyang sinusumiteng mga artikulo. Sa aking pagbabalík-tanáw, proud ako na napagdaanan ko ito. Naiisip ko din na ang suwerte ko. Malapitan kong namalas kung gaano kagaling na manunulat si Recah. Nasa hanay siya ng mga bukod-tanging journalist na — baga sa Ingles “among the rarefied group worthy of the title ‘auteurs’.” Minsan pinayuhan niya akong magbasa ng mga akda ng Amerikanong nobelistang si Ernest Hemingway. Ang sabi ko kay Ka Recah nakabasa nako ng ilang nobela ni Hemingway, at napansin kong magkahawig sila ng estílo. Mapili at mabusisi siya sa mga salitang ginagamit niya. Minsan tapos na ang aming diktahan at naibaba na ang telepono. Tatawag pa ulit si Ka Recah at may papalitang salita o paragraph. Kailan ko lang nalaman na akma pala ang bansag namin sa kanya na “wordsmith.” Ginawaran pala si Recah noong 1978 ng Carlos Palanca Award for English poetry. Gayunman, tumatak sa akin ang kababaang-loob ni Recah. Nilalarawan niya sa sarili niya na isa lamang “typist who is racing the rat.” Pinong-pino siya tumuligsa sa kanyang kolum sa mga isyu o personalidad na hindi niya sinasang-ayunan. Ika nga, punyal ang kanyang pangtarak sa kanyang kolum, hindi siya gumagamit ng maso. Dahil sa kanyang kakaibang pangalan (kasi nga Recah, na tila babaeng Rico), madalas ay makatanggap siya tuwing Valentine’s Day ng mga bouquet ng rosas at kahon ng tsokolate. Nagpapasalamat siya sa nagbigay, sabay sabi na may ireregalo na siya sa “resident China doll” nila — ang kanyang maybahay na si Fe Lacsamana. Sumilip ang pagiging literati ni Ka Recah nung binyagang niyang “Point Laureate” ang PBA player na si Ronnie Magsanoc. Malapit din niyang kaibigan ang kilalang pintor na si Danny Dalena ng Pakil, Laguna. Madalas dumalaw si Dalena kanila Ka Recah at Al Mendoza sa opisina ng Inquirer. Unang tingin mo pa lang kay Dalena, alam mo agad na artist siya dahil sa trademark niyang suot na sombrero at kahoy na bakya. Isa pang malapit na kaibigan ni Recah ay si Ramon Tulfo. Magkasama na sila nung araw sa Bulletin Today at maging sa Inquirer. Taong 2024, huli kong nakita si Ka Recah. Lamay iyon ng panganay niyang si Chino na nasawi sa atake sa puso. Napasakit sa isang magulang ang mamatayan ng anak. Niyakap ako ni boss, at bumulong sa tenga ko ng may makirot na tinig: “Hindi ko na naabutang buhay, Tochi.” * * * Nung nagretiro ako sa Inquirer matapos ang mahigit tatlong dekadang paninilbihan, sinulat ko sa isang social media post na ang highlight sa mahabang listahan ko ng good memories ay ang makapaglakad sa lilim ng mga anino ng mga higante ng Philippine journalism. Si Recah at Tita Eggie ang mga nangunguna sa listahan kong iyon. Dahil sa kanilang mga ambag sa pagsulong ng malayang pamamahayag, nababagay kay Tita Eggie at Recah ang nasabi ng bida sa pelikulang halaw sa Greek epic ni Homer — “sasambitin ang kanilang pangalan habang panahon.” – Rappler.com Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
[Tambay] Eggie Apostol, Recah Trinidad: Pagpupugay sa mga alamat ng peryodismo
Full Article
Original Source
Read the full article at Rappler →KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.