[Tambay] Ang artificial intelligence ni Robin Padilla

[Tambay] Ang artificial intelligence ni Robin Padilla

Sa ikalawang linggo ng impeachment hearing, napansin ng mga usisero: Ang dating komedyanteng si Tito Sotto ay may sense; and dating action star na si Robin Padilla ay puro angas lang. Ayon sa analyst na si Manuel Quezon III, walang requirement na dapat abogado ang mga senador na huhusga sa impeachment court. “Ang kailangan mo, sentído komún.” Sa ilang minutong nagsalita si Robin Padilla, ilang bagay ang kulang o mali sa mga sinabi niya. This is AI-generated and may have errors. For context, always refer to the full article. Report issues here. 'Yung pagtatanong ni Robin sa witness ay hitík sa ángas, pero kapós sa kaalamán. Sa madaling salita, ampáw. Sa “post-game analysis” naming mga feeling henyo ng lansangan ng ikalawang linggo ng impeachment hearing si Vice President Sara Duterte, maálab ang palitan ng kurò-kurò. May kaniyá-kaniyáng posisyón kaming mga usiséro. Pero mayroón din naman kaming napagkásunduán. Sa aming talastásang mapuról habang nagsasálo sa kape’t pandesál, sumang-áyon ang karamihan na may dalawang senador na kapansín-pansín noong Week 2. Sabi ng kaánib naming retired teacher, sandali lang nagsalita si Senador Tito Sotto, pero matinô ang sinabi niya. “Dating sikat ng komedyante ‘yan noong araw,” sabi ni Ma’am na dating gurò. “Pero siya lang sa kanila ang may lakás ng loób na magsabing parang lumilihis na ang usapan sa impeachment.” Humírit ang chairman namin na sumagót sa kinain naming pandesál nung umagang ‘yun. Agaw-pansin daw si Senador Robinhood Padilla, sabi ni kúyang chairman. Sa opinyón niya, ‘yung pagtatanong ni Robin sa witness ay “hitík sa ángas, pero kapós sa kaalamán. Sa madaling salita, ampáw.” May mga sumang-ayon, at idinagdag pa — kumbagá sa laro ng basketball, ang impeachment court daw ay parang NBA kung saan mga bigatin ang mga player. Matingkad pa sa sikat ng araw na hindi ito ang liga para kay Robin. Pang-inter-barangay lang siya. Ang naisip ko lang habang ninanamnam ‘yung pandesal ay ‘yung nakalimutan yata ng mga kakumperénsiyá ko sa bangkéta na topnotcher si Robin nung 2022 senatorial election. Napansin naming nagiging usapang abogado ang impeachment hearing. Nagbabatuhan ng mga terminong legal ‘yung mga abogado ng magkabilang panig. Dalawang sentence pa lang ang nasasabi ng isang abogado may nakabuntót agad na ng “objection, your honor” ‘yung kabila. (BASAHIN: Your A-Z guide to Sara Duterte’s impeachment trial) Hindi lang pala kaming mga mirón ang nalilito. Napanood nung isa naming kasamang mirón ang ínterbiyú ni Manolo Quezon sa ANC (3:20). Ipinaliwanag niya ang tinawag niyang “game of technicalities” na nangyayari sa pagdinig. Sinasadya nila ito, sa tingin ni Manolo, “para madiskaril ‘yung proceedings, para mawalan ng buwélo ‘yung prosecution, para matulog lahat ng nanonood.” Kaya nga nung nagtatanong na ang mga senador, napabilib kami kay Tito Sen. Sa umpisa, akala namin nagbibiro lang ang senador na dating bahagi ng comedy trio na Tito Vic & Joey (kasama ang kapatid niyang si Vic Sotto at kaibigang si Joey de Leon). Sinabi kasi niya na naliligaw daw siya. Kinuwestiyón ni Tito Sen ang mga usapang legal. Pinong-pino niyang sinabi, at padaplís na ipinaalala, na “ang naka-file dito sa impeachment court ay betrayal of public trust at saka other high crimes. Hindi grave threats at inciting to sedition.” Sa madaling salita, huwag na pag-aksayáhan ng oras ang OOT (out of topic). Ipinaliwanag ni Manolo na walang requirement na dapat abogado ang mga senador na huhusga sa impeachment court. “Ang kailangan mo, sentído komún.” Dagdag niya, sa impeachment ang nakataya sa nasasakdal ay ‘yung katungkulan niya sa gobyerno. “’Yung katungkulan mo, bigay ‘yan ng taong bayan. At kung puwedeng ibigay sa iyo ng taong bayan, puwedeng bawiin ng taong bayan.” May nagtanong sa umpukan: Ano naman tingin ninyo nung si Senador Robinhood na ang gumisa sa witness? May mga nagbuntónghiningá. May mga umiling. Walang makasagot. Kung sa angas at angas lang, astig ang dating ni Robin. Kung pinanonood mo siya, at ilalagay mo sa “mute” — ibig sabihin, hindi mo maririnig ang sinasabi niya — mapapagkamalan mong abogado de campanilla ang senador. Pero wala namang laman ‘yung mga pinagsasasabi niya, at mali-mali pa ‘yung ibang binanggit ni Padilla, sabi ni chairman namin. Ani ni chairman: Ang senador na ito ang ehemplo ng artificial intelligence. Sa ilang minutong nagsalita si Robin, ito ang ilang bagay na kulang o mali sa mga sinabi niya: Una ay ‘yung paulit-ulit na tanong ni Robin kay witness Jeremy Lotoc ng NBI tungkol sa mga kaso raw nito. Ipinakita pa ng senador ang “napakakapal na mga papeles ng mga kaso” laban kay Lotoc. Nagtataka si Padilla bakit hindi alam ito ni Lotoc. Ang problema rito, hindi yata alam ng senador ang pagkakaiba ng reklamo at kaso. Kahit sino maaaring magsampa ng reklamo, pero dadaan ito sa prosecution muna, bago ito iakyat sa hukom at maging kaso. Maaaring hindi pa ito mga kaso, ‘yung mga papeles na hawak ni Robin, o kaya’y pinag-aaralan pa ng mga prosecutor. Kung magkaganoon, hindi pa ito mga kaso. Reklamo pa lang. Ikalawa, ‘yung tinatawag nilang Romanov. Nasabi ni Senator Padilla na si “Apo Lakay Ferdinand Marcos Sr. ang No. 1 na lumaban sa komunista.” Hindi yata kilala ng senador ang Partido Komunista ng Pilipinas na inorganisa ni Crisanto Evangelista noong 1930s. Ito ang orihinal na communist party sa bansa. Marami sa PKP ang sumuko sa gobyerno noong 1950s kay noo’y defense secretary Ramon Magsaysay at halos tumiklop ang grupo. Ang kilalang-kilala ni Senator Padilla ay ang Communist Party of the Philippines. Sa katunayan, dinalaw niya ang exiled CPP chairman na si Joma Sison sa Utrecht. Sinabi ulit ni Padilla na lumaban daw sa komunista si dating pangulong Rodrigo. Pero hindi sinabi ni Robin na si Duterte din ang unang pangulo na nakipaghapunan sa Malacañang sa mga matataas na opisyal ng National Democratic Front of the Philippines noong 2016. (BASAHIN: Duterte hosts Malacañang dinner for communist rebels) Si Duterte din ang unang pangulo na naglagay sa kanyang gabinete ng mga dating rebeldeng komunista. (BASAHIN: Duterte to Left: 4 departments yours) Nabanggit din ni Robin ‘yung tinatawag nilang Romanov plan, at sinabi niyang si Vice President Sara ang target nito. Pero ang unang nagbanggit ng “Romanov” ay si Davao City Mayor Sebastian Duterte at ang tinukoy niya ay ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (BASAHIN: The Romanovs’ strange afterlife in Duterte politics) Hindi na namin napag-usapan ‘yung balita kamakailan na galing kay Ombudsman Boying Remulla. Sinabi kasi ni Remulla na hindi sumagot si Senador Robin sa summons nila na magpaliwanag si Padilla sa mga bintang ng Tindig Pilipinas na mayroon siyang bahagi sa pagtakas ni fugitive Senador Bato de la Rosa. Sayang. Noong kasing tinatanong ni Padilla ‘yung tinawag niyang “mahal na saksi” tungkol sa mga akala niya’y kaso nito, nagpayo ang senador. Sabi ni Senador Robin: “Di po ba dapat ang reaksiyon ng isang tao kapag may kaso ay harapin…. Mas maganda po ay maharap ‘nyo kaagad.” Tatanungin ko sana ‘yung mga kasama ko sa grupo ng mga nagmamarunong: Ano ang tawag sa taong ang lakas ng loob magbigay ng payo, pero siya mismo hindi ganyan ang ginagawa? – Rappler.com Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530. How does this make you feel? Loading

📰 Original Source

Read full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.