[Tabas Dila] Buwan ng Wikang Pangmangmang

[Tabas Dila] Buwan ng Wikang Pangmangmang

Ang wikang ginagamit ng gurong nagkakabalu-baluktot ang dila kapag Agosto upang magpaliwanag ay ginagamit din ng troll upang manlinlang. Casually, effortlessly. The Filipino language has become both a tool for knowledge and a means of misinformation, especially in the context of the celebration of Buwan ng Wikang Pambansa. It is ironic that while the Filipino language can facilitate understanding and education, it is also exploited for spreading disinformation and manipulation in society. There is a need for a critical examination of how the language is used, and for discernment in communication rather than solely celebrating linguistic heritage. This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors. Hayan. Rage bait. Kung pamagat lang ang babasahin at ise-share, at hindi babasahin ang buong artikulo, magagalit sa akin ang maraming guro sa Filipino. Magagalit sa akin lalo na’t malalamang nagtuturo ako kung paano magsulat nang maayos sa kolehiyo at antas gradwado sa isang antigong unibersidad. Dahil itinataguyod nila ang wika — at dahil Buwan ng Wikang Pambansa! — bakit may isang talipandas, isang malansang isdang tulad ko, na susulat ng artikulong ang pamagat ay tila nang-iinsulto, nang-uuyam, nangmamaliit sa sariling wika?Well, gusto ko lang sabihin, which I will elaborate later, ang wikang magpapatalino ay siya ring wikang ginagamit upang mangmangin ang mga kababayan natin.Dahil bahagi ako ng sektor na dapat magtaguyod at luminang ng karunungan, tuwing sasapit ang Agosto, parang tradisyon nang kailangang may masabi akong lulunsad sa Rappler hinggil sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, na, ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Hayan. The usual big words para sa tema. Plus iyong artificial intelligence (AI) reference para contemporary ang paksa.Ang gandang gawing paksa ng patimpalak sa pagsulat ng sanaysay at sabayang pagbigkas ang tema ng KWF ngayon. Hitik na hitik sa ibubungang balitaktakan. Ang daming uubrang gawin. Nai-imagine ko na ang init ng pagtatalo sa debate at balagtasan ng pinakamatitikas na estudyante ng hayskul, suot ang once-a-year barong tagalog at baro’t saya, tungkol sa kahalagahan ng AI o, more specifically, kung friend o foe ang AI. O kung hindi dapat pagamitin ng AI ang mga bata pero okay lang sa mga gurong nagmamadaling gumawa ng bagong lesson at bagong presentation sa ilalim ng laging bagong curriculum. (BASAHIN: [The Wide Shot] Why I ban students from using AI in class) Lately, may nakita akong bagong patimpalak na umaakma sa panahon ng AI. Gagawa ng poster gamit ang AI. Ano ito? Pagalingang mag-prompt ng poster? At ano ang criteria for judging? Paano? Kapag maganda ang pagkakasulat ng review gamit din ang AI? Let AI decide?Pero habang abala tayo sa pag-uusap kung paano pa gagamitin ang AI upang makahanap at makapagpalaganap ng impormasyon — wala akong value judgment, ha, pwedeng mis- o dis- ang impormasyon na iyan — may mas primitibong teknolohiya tayong matagal nang ginagamit sa paglikha ng matalino at nag-iisip na bansa: ang sariling wika. Though, sa kabilang panig — at ito ang gusto ko talagang bigyan ng pansin — ito ring wikang pambansa ang kasangkapan sa pangmamangmang sa bansa natin.Napakalaking bahagi ng ating sariling wika sa pagbuo ng isang bansang marunong mag-isip bilang isang bayan. Ideally, sa wikang ito naipapaliwanag ang batas, kasaysayan, agham, politika, at mga ideyang maaaring dati’y nakakulong lamang sa akademya tulad ng pamimilosopiya. Sa Filipino, again ideally, dahil mas marami pa rin naman idinadaan sa Ingles ang talakayan, maaaring maging pampublikong usapan ang mga bagay na dati’y usapan lamang ng mga eksperto sa akademiya.But herein lies the parikala o irony: ang instrumentong ginagamit upang maghatid ng kaalaman ay mas gamit na gamit ngayon sa pangmamangmang. Partida, hindi pa nila kailangang mag-AI o maglathala ng sandamakmak na journal articles. Panoorin ninyo lang ang naglipanang vloggers na namimigay ng pera sabay endoso ng online gambling. O manood lang kayo ng hirit ng ilang senador sa impeachment trial.Ang wikang ginagamit ng gurong nagkakabalu-baluktot ang dila kapag Agosto upang magpaliwanag ay ginagamit din ng troll upang manlinlang. Casually, effortlessly. Ang parehong Filipino na ginagamit ng mamamahayag upang maglatag ng katotohanan ay ginagamit ng bayarang account upang magpakalat ng gawa-gawang kuwento. At ang parehong wika na ginagamit ng mamamayan upang maningil ng pananagutan sa ating pamahalaan ay ginagamit ng politikong tiwali upang baluktutin ang realidad na mas madaling kumalat sa isang lipunang bihira ang nagsusuri at nag-iisip. Mas madaling magmangmang gamit ang sariling wika. Gawing viral ang isang quote card, halimbawa. Paulit-ulit iere ang sinabing walang saysay ng isang politikong walang saysay.Hindi kailangan ng AI para mangmangin ang isang tao. Hindi kailangan ng Scopus-grade journal article na may statistically significant findings tungkol sa measurable wisdom na magdudulot ng promotion sa author. Hindi kailangan ng complicated algorithm. Minsan, sapat na ang isang maikling video, isang nakakatawang caption, isang mapanuyang komento, at isang kasinungalingang paulit-ulit na inuulit hanggang magmukhang totoo.Dito nagiging nakakatakot ang wikang halos hindi natin napapansin dahil napaka-casual ng pagkakagamit, hindi kagaya ng wikang ginagamit tuwing Agosto na mula sa amoy alkampor na tukador ng ninuno natin. Alam naman natin lahat ito: hindi lamang instrumento ng karunungan ang wika; instrumento rin ito ng kapangyarihan. Kapag ang isang politiko ay nagsabing “para sa masa,” maaari niyang itago sa simpleng salita ang isang komplikadong interes na, ultimately, pakikinabangan niya. Kapag tinawag niyang “kalaban ng bayan” ang isang kritiko, hindi na kailangang sagutin ang argumento. Paniniwalaan na siya agad lalo’t malalim ang tanim ng kaniyang lahi sa pamomolitika. Kapag ginawang biro ang isang kasinungalingan, puwedeng matawa tayo bago mapansing, well, niloloko lang pala tayo. Pero marami sa atin ang hindi na dumarating sa point of realization na niloloko lang pala sila.Sa wika natin mas mabilis kumalat ang panlilinlang at huwad na salaysay. Oo, naiintindihan ko, hindi ito kasalanan ng wika. Kasalanan ng gumagamit. Kasalanan ng nakakaunawa sa benepisyo ng retorika ng pangmamangmang. Ngunit may pananagutan tayo — at least the part of me na isang nagpapakabuting guro — kapag hinahayaan kong ang wikang pinakamadaling maunawaan ay wikang pinakamadali ring gamitin sa panlilinlang. O pangmamangmang.Kaya marahil, bago natin tanungin kung friend o foe ang AI, dapat muna nating itanong: ano ang ginagawa natin sa wikang taglay na natin? Wikang bihasang-bihasa na tayo? Sapagkat kahit wala tayong AI, kung mayroon tayong well-entrenched armies of disinformation, kahit anong temang pangmatalino ang ikabit sa Buwan ng Wikang Pambansa, magiging salamin lamang ito ng tunay na estado ng edukasyon.Kaya habang ipinagdiriwang natin ang katutuklas na karunungang nalathala sa kung saang bayarang journal, habang masigabong sinasalubong ang mga paham ng wika, habang kinikilala ang may pinakamatalas na hirit sa debate sa paaralan, baka kabaligtaran ang nangyayari sa labas ng pader ng unibersidad. Lumalala ang mga problema. Nawawala ang tiwala sa mga institusyon. At sa halip na pag-usapan ang mga ito nang may sapat na kaalaman gamit ang wikang naiintindihan ng karaniwan, nagiging kompetisyon ang diskurso, nagiging medalyang eventually ay aalikabukin sa eskaparate ng kung sinong inaamag na paham.Kaya, rage at click bait aside, ipagdiwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Okay iyan. Nakasanayan na sa mga paaralan at ilang ahensiya ng paaralan. Palaganapin pang lalo ang wikang Filipino. Linangin. Gamitin sa pananaliksik, sa pagtuturo, sa paglikha, at sa paghahanap ng katotohanan. Pero huwag nating kalimutang ang wikang nagdudulot ng karunungan ay maaari ring gamitin nang mas epektibo’t mabilis upang gawing mangmang ang bayan.Marahil ito ang mas mahalagang aral ngayong buwan: hindi sapat na marunong tayong mangusap. Kailangan din nating matutong kumilatis. Dahil sa isang bansang madaling maniwala sa pinakamalakas at pinakamalaganap ang boses, ang wika ay hindi lamang “tulay sa yaman ng impormasyon.” Maaari rin itong maging tulay pabalik, patungo sa isang bansang ayaw nang mag-isip. Kung ganoon, baka hindi AI o kung anumang teknolohiyang matakaw sa tubig at kuryente ang dapat nating katakutan balang araw. Baka dapat mas katakutan natin ang pagdating ng araw na ginagamit ang sariling wika bilang instrumento para tuluyang makalimutang mag-isip ng sambayanan.Hindi nga kaya? Hindi lang natin napapansin, pero baka sumapit na ang araw na iyon ngayon? – Rappler.com Professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing. How does this make you feel? Loading

Original Source

Read the full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.