Halos P1.9 trilyon na ang inilaan ng gobyerno sa flood-control at flood-management programs mula 2011 hanggang 2025, ayon kay Senator Panfilo Lacson. Gayunman, baha pa rin ang sumasalubong sa maraming komunidad tuwing malakas ang ulan. Natural lamang na itanong: Saan napunta ang pera? Pero may tanong akong matagal nang itinataas: Nasaan ang science? Mula pa noong 2018, may requirement na sa taunang General Appropriations Act (GAA) na dapat sumailalim ang national government projects sa multi-scenario, probabilistic analysis upang matiyak na ang disaster risk reduction at climate change adaptation measures ay angkop sa lumalalang hazards. Hindi ito technical jargon na inilagay lang para pagandahin ang batas. Napakahalaga nito sa flood control. Sa simpleng paliwanag, hindi sapat na malaman na binabaha ang isang lugar. Kailangang suriin kung gaano kalakas ang maaaring ulan, gaano kataas ang posibleng baha, gaano kadalas itong maaaring mangyari, paano babaguhin ng climate change ang panganib, sino at ano ang exposed, at ano ang mangyayari kapag nalampasan ang design capacity ng dike, drainage system o floodwall. Iba-iba ang scenarios. Iba-iba rin ang probabilities. Kung walang ganitong analysis, paano natin malalaman kung ang P500-milyon o P5-bilyong flood-control project ang tamang sagot sa panganib? Noong huli kong tinanong ang Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa kung mayroon silang ganitong multi-scenario, probabilistic analysis, ang sagot sa akin: wala. Hindi ko ito ginagamit para sabihing wala ring analysis ang lahat ng proyekto ng DPWH sa buong bansa. Pero sapat itong dahilan para itanong kung gaano kalawak ang compliance sa requirement na walong taon nang nakapaloob sa pambansang budget. Napag-alaman ko rin mula sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na mayroon nang mga pag-uusap kung paano mai-integrate ang hinihingi ng GAA sa project planning at appraisal. Magandang hakbang iyon. Pero kung kailangan pa nating pag-usapan ngayon kung paano ito ganap na maisasama sa sistema, nararapat ding balikan ang mga proyektong pinondohan mula 2018 hanggang ngayon. Dito nagiging mahalaga ang kasalukuyang debate sa flood-control spending. Dapat siyasatin ang ghost projects, overpricing, substandard construction, kickbacks, at political intervention. Pero kahit totoong nakatayo ang proyekto at maayos ang accounting, maaari pa ring mali ang intervention kung mahina ang scientific basis ng design. Puwedeng maayos ang pagkakagawa ng maling proyekto. Maaaring protektahan ng floodwall ang isang barangay pero ilipat ang tubig sa kasunod na komunidad. Maaaring palakihin ang drainage pero mali naman ang outfall. Maaaring magtayo ng seawall nang hindi sapat ang pagsusuri sa sea-level rise, storm surge, coastal erosion, at extreme rainfall. Maaari rin tayong magbuhos ng bilyon-bilyong pisong kongkreto habang patuloy na nasisira ang watershed, wetlands, mangroves, at natural drainage systems na sumisipsip, nag-iimbak, at nagpapabagal ng tubig. May magsasabing hindi naman kayang pigilan ng engineering ang lahat ng baha. Tama. Ang mahusay na flood-risk management ay hindi nangangakong hindi na babaha. Sinusukat nito ang panganib, exposure, at vulnerability, saka pinipili ang intervention na may pinakamalaking kakayahang magpababa ng risk. Iyan mismo ang dahilan kung bakit kailangan ang science. Sa aking mga pakikipag-ugnayan tungkol sa infrastructure projects, pamilyar din ang ganitong lohika: nandiyan na kasi ang pera, gawin na ang proyekto; iyong ibang requirements at compliance, habulin na lang. Maging ang ECC, to follow na lang. Diyan nababaligtad ang proseso. Ang pagkakaroon ng appropriation ay hindi scientific justification para sa isang proyekto. Dapat makatulong ang science sa pagpapasya kung ano ang kailangan, saan ito ilalagay, paano ito ididisenyo, at kung nararapat bang gastusan iyon. Kapag “nandiyan na ang pera” ang nagtutulak sa proyekto, may panganib na ang engineering ay maging paraan para ubusin ang appropriation sa halip na tugon sa isang malinaw na panganib. Ang ECC o environmental compliance certificate, kapag kinakailangan bago ang implementation, ay hindi rin dapat tratuhing dokumentong hahabulin pagkatapos. May saysay ang environmental assessment dahil dapat nitong maimpluwensiyahan ang desisyon habang maaari pang baguhin ang lokasyon, design, o maging ang pagpili ng proyekto. Patuloy na mahalaga ang climate and disaster resilience sa ating public infrastructure framework. Sa FY 2026 GAA, inaatasan din ang national government agencies na makipag-coordinate sa local government units sa pagpapatupad ng nationally funded projects. Mahalaga ito dahil ang risk ay laging nakaugat sa lugar — sa watershed, river basin, coastline, topography, land use, at mismong mga komunidad. Isang hamon Kaya may konkretong hamon ako kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Senado, at sa House of Representatives: ipagawa ang inventory. Balikan ang national government projects mula FY 2018. Alamin kung ilan ang aktuwal na sumailalim sa multi-scenario, probabilistic analysis. Ilan ang may climate and disaster risk assessment bago pinondohan at ipinatupad? Anong scenarios at probabilities ang ginamit? Ilan ang walang analysis? Paano ginamit ang resulta sa pagpili, design, at budget ng proyekto? May partikular na pananagutan dito ang Kongreso. Taon-taon nitong ipinapasa ang GAA. Kung inilagay ng Kongreso ang requirement sa batas, dapat ding tiyakin ng Senado at House of Representatives kung nasusunod ito. Sa mga susunod na budget hearings, dapat hingin ang compliance record ng bawat ahensiya. Kapag humihingi ng bilyon-bilyong piso para sa flood control, dapat maipakita kung anong climate and disaster risks ang pinagbatayan, anong scenarios ang sinuri, at anong science ang nagpatunay na iyon ang nararapat na intervention. Hindi dapat matapos ang budget scrutiny sa “Magkano ang hinihingi?” Dapat itanong: Nasaan ang multi-scenario, probabilistic analysis? Aling projects ang nakasunod? Alin ang hindi? At bakit pinondohan ang isang proyekto kung hindi pa malinaw ang scientific basis nito? Ilatag ang resulta sa publiko. Hindi ito simpleng paghahanap kung sino ang nagkulang. Kailangan natin ng baseline upang malaman kung gaano kalawak ang implementation gap mula 2018, bakit ito nangyari, at paano ito itatama bago muling maglaan ng panibagong bilyon. May transparency requirements din ang FY 2026 GAA para sa public funds. Dapat umabot ang transparency sa scientific basis ng malalaking infrastructure investments. Kapag pera ng bayan ang ginagamit at kaligtasan ng tao ang nakataya, dapat kayang ipakita kung bakit iyon ang proyekto, bakit iyon ang lokasyon, bakit iyon ang design, at anong panganib ang pinaghahandaan nito. Sa susunod na budget hearings, huwag lang itanong kung magkano ang ilalaan sa flood control. Tanungin kung nasaan ang science. Matapos ang halos P1.9 trilyong flood-control spending, kailangang sagutin ng pamahalaan: Saan napunta ang pera? Pero may tanong na dapat nasagot bago pa inaprubahan ng Kongreso at inilabas ng gobyerno ang pera: Nasaan ang science? – Rappler.com Rodne R. Galicha is executive director of Living Laudato Si’ Philippines and national convenor of Aksyon Klima Pilipinas. He works on climate policy, environmental governance, disaster resilience, and community-based ecological advocacy.
[OPINYON] P1.9 trilyon sa flood control: Nasaan ang science?
Full Article
Original Source
Read the full article at Rappler →KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.