Bakit hindi nila kinailangang ilagay sa kanilang Konstitusyon ang anumang probisyong pangwika para gamitin nila ito sa serbisyo ng pamahalaan, sa edukasyon, sa mga intelektuwal na gawain, sa pang-araw-araw na pagdiriwang ng búhay? The author reflects on the use of native language in Japan, comparing it to the Philippines and expressing a sense of envy over Japan's effective language preservation and promotion. Historical factors, including Japan's imperial past and the Philippines' colonial experiences, are discussed as reasons for the differences in language usage between the two countries. The author emphasizes the importance of valuing and promoting native languages, urging for unity among Filipinos in appreciating their linguistic heritage while expressing love for their family member, Maharu, who will grow up in Japan. This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors. Sa Japan ko tinapos ang Buwan ng Wika. Akmang bansa para ikompara ang kanilang paggamit ng sariling wika. Bago ang wika, di ko rin maiwasang ikompara ang maraming maayos na bagay na ganoon din sana sa Filipinas: transportasyon (lalo ang tren), flood control, politiko (di masyadong epal), at iba pang serbisyo ng pamahalaan. Sa totoo lang, nakakainggit at nagngangalit ang loob ko’t ulit-ulit kong sinasabi sa sarili: dapat ganito rin sa Filipinas. At kasama nga roon ang wika. Dito, damang-dama mo ang paglubos nila sa sariling wika. Gudlak sa iyo kapag di ka marunong magbasá ng hiragana’t katakana. Meron din namang nása Ingles para sa mga turista, pero kung para sa pangkalahatang populasyon, hindi nila kinakailangan iyon. Sa bookstore, hanap ako nang hanap ng bilingual na aklat ng mga tula o ng paboritong si Murakami, pero wala rin akong nakita. Gámit nila ito sa mga karatula sa kanilang mga tren at kalye. Sa mga paalala nila sa kanilang mamamayan. Sa anumang bagay. At wala silang korning quotes na nasa Ingles. Pero gusto ko pang lagpasan ang nakasanayan na nating papuri sa Japan tungkol sa paggamit ng sariling wika. Gusto ko pang maintindihan kung bakit hindi nila kinailangang ilagay sa kanilang Konstitusyon ang anumang probisyong pangwika para gamitin nila ito sa serbisyo ng pamahalaan, sa edukasyon, sa mga intelektuwal na gawain, sa pang-araw-araw na pagdiriwang ng búhay. Tiyak matutulungan táyo rito ng kasaysayan sa pag-uugnay at pagkakaiba ng ating mga dinanas. Nauugat natin kapuwa ang ating mga ninuno sa serye ng mga migrasyon. May mga sinaunang patunay ng katutubong sarili. May Murasaki Shikibu at Natsume Sōseki na makikipaghuntahan ang teksto kina Balagtas at Rizal. Pinagbubuklod din táyo ng ating pinagdaanan sa World War II. At nagtutuloy ang ugnayang ito hanggang sa ngayon sa mga import nating nása liga ng basketbol sa Japan at ang napakaraming Japanophile sa Filipinas. ALSO ON RAPPLER Wasabi Writings Between Islands Pero bakit nagkaiba sa paggamit ng sariling wika? May ilang dahilang kaugnay ng kanilang danas. Nariyan ang kanilang imperyal na nakaraan. Bago pa sila sumabak sa digma noong Siglo 20, ginagamit na nila ito para pagbuklurin ang bayan nila sa harap ng mga pagkakaiba sa pagsasalita at kultura. Pinatatag nila ang kanilang sariling wika sa pag-eestandardisa, pagpapalaganap sa tulong ng estado, at patuloy na paggamit. Ilan pang maaaring tukuyin ang kanilang tútok sa kaayusan sa lipunan, paggalang sa awtoridad, at ang kanilang pagpapahalaga sa edukasyon at literasi. Kulang pa tiyak ang paliwanag na ito kayâ mainam mabalikan sa hinaharap. Sa atin naman, dumaan táyo sa tatlong mananakop na nilabanan sa iba’t ibang yugto. Kasama na ang mga Japon doon. Bago pa ang pagwasak na idinulot sa atin ng WWII, tumindig na ang mga ninunong pangwika natin (Quezon, Norberto Romualdez, Felipe Jose, atbpa) para magkaroon táyo ng patunay na káya nating magsarili. At hanggang ngayon nagtatalo-talo pa rin táyo sa kung ano ang meron na táyo ngayong wikang pambansa. Kaugnay pa rin ito tiyak ng ating kolonyal na nagdaan at umiiral na kolonyal na latak sa ating isipan. Bayan kasi táyo ng maraming wika (kasama roon ang Filipino) at maituturing itong isang source ng renewable energy. Energy para sa pagkabansa at muli’t muling pagsariwa ng bansa. May ibang wika rin naman ang Japan na tiyak ipinaglalaban ng mga nagsasalita at nagmamalasakit dito. Ganoon din naman sa atin. Matinding pag-ibig din sa kanilang wika ang nagtutulak sa kapuwa natin Filipino para kumilos para sa mga wika nila, sa mga wika natin. Pero ang lagi ko lang ding iniisip, hindi sana táyo nag-aaway at nagpupuksaan. May pinagsaluhan táyong danas bilang bayan. Ang dapat lang, mas pakinggan at palahukin ang mas nakararami sa mga usapin sa wika at kultura. Ulit-ulit kong sasabihin: hindi kaaway ang Filipino ng ating mga katutubong wika. (BASAHIN: Bigyan natin ng pagkakataong yumabong ang Filipino) Pero sa dulo, ang maikli kong pagninilay ay para talaga sa aking minamahal na pamangking si Maharu. Siya ang pangunahing dahilan kung bakit kami nagpunta sa Japan. Lalakí siya sa bayang ito at magiging bihasa sa Japanese. Sana mabása niya ito sa hinaharap at malaman ang matindi naming pag-ibig sa kaniya. Dagdagan niya sana ang kaunti kong nalalaman sa wika at kultura naming dalawa. Madama niya ang pinagmumulan kong bayang sawi. Pangarapin at pagsumikapan niya rin ang kaginhawahan nitó. Mahanap niya nawa ang bayang iyon sa kaniyang kaloob-looban. Mahalin mo rin sana, Maharu. – Rappler.com Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Naglilingkod siya sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). How does this make you feel? Loading
[OPINYON] Buwan ng Wika sa Japan
Full Article
Original Source
Read the full article at Rappler →KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.