“Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. (…) Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon.” Efeso 5:6, 9-11 – Excerpt from a weekend INC worship service, June 6, 2026 Bago ang lahat, nais kong humingi ng paumanhin. Sa aking mga kaibigan, kakilala, at kapwa Pilipino na nalilito, naguguluhan, at nagagalit sa mga nagaganap. Sa ating Panginoong Diyos, dahil sa lungkot, pangamba, at pagkadismaya na bumabalot sa atin. At sa aking mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo, mga taong lubos kong tinitingala ngunit kailangan kong tawagan ng pansin. Mahal ko kayong lahat, ngunit ito rin ang nagtulak sa akin para ihayag ang matagal ko nang napapansin. Pinakinggan ko kayo noon. Sana’y mabigyan niyo rin ako ng pagkakataon ngayon. Selective justice “Dapat panagutin ang lahat ng mapatutunayang sangkot sa kurapsyon na yan, sinuman sila, anuman ang kanilang posisyon sa gobyerno, dapat silang panagutin.” – Bro. Bienvenido Santiago Jr., INC General Evangelist at Rally for Transparency and a Better Democracy, November 16, 2025 Matapos malantad ang matinding katiwalian kaugnay ng flood control projects, sunod-sunod ang mga demonstrasyon na nananawagan sa imbestigasyon at pagpapanagot sa mga maysala. Isa ang INC sa mga nagsulong ng parehong layunin at nanawagan sa administrasyong Marcos na seryosohin ito. Kaisang-diwa ako dito. Tama lang na ipaglaban ang katotohanan at katarungan. Ang hindi ko lang maunawaan, bakit ang imbestigasyon kay Pang. Ferdinand Marcos at kanyang mga kaalyado ay nararapat para sa hustisya at katotohanan, pero pagdating kay VP Sara Duterte at Sen. Rodante Marcoleta, ito ay panggigipit at pamumulitika lamang? Oo, mas malaki ang trilyones na nilimas sa flood control kumpara sa milyon-milyong hindi maipaliwanag na confidential funds o undeclared campaign donations, ngunit hindi ba’t dapat mabigyang-linaw ang parehong isyu? Bakit nagbabago ang pananaw natin, depende sa personalidad na nasasakdal? Tayo na ang nagsabi: “Selective justice is INJUSTICE” Muli, tama at makatarungan lang na kalampagin ang gobyerno na panagutin ang mga sangkot sa flood control corruption, ngunit ang panawagang ito ay mawawalan ng kredibilidad at magiging kaduda-duda kung isasantabi na lang ang iba pang isyu ng katiwalian. Tayo ba ay para sa katotohanan at katarungan, o nais lamang ipagtanggol ang kaalyado at tuligsain ang kalaban? Accountability “Kaya natin sila pinili at ibinoto sa ating pag-aakala na sila po ay gagawa ng mabuti sa kapakanan po ng sambayanang Pilipino. Pero sila po ang sumira sa pagtitiwala nating iyon.“ – Bro. Arnel Tumanan at EDSA Rally, July 1, 2026 Una, naniniwala ako na may mga kritisismo sa INC na paninira o pang-uusig lamang. Hindi ako sang-ayon sa mga gawa-gawang paratang, at umaasa ako na mabigyan rin sila ng pagkakataong maunawaan ang ating pananampalataya. Ikalawa, hindi rin ako sang-ayon na wala tayong karapatang mag-rally gayong binoto natin sila. Constitutional right ng bawat mamamayang Pilipino na ihayag ang kanilang mga saloobin, at dapat lamang na singilin ang mga opisyal na pinagkatiwalaan natin. Ngunit, naniniwala ako na maling ituring na pang-uusig kaagad ang lahat ng puna, lalo kung ito ay nakaaapekto na sa buong bansa. Para ba talaga saan, o kanino, tayo tumitindig? Mula Pagsamba ng Kabataan hanggang sa katandaan, laging pinapaalala ang kahalagahan ng katapatan at pananagutan. Hinahanap sa bawat kapatid ang mga katangiang nakasulat sa Bibliya, at handa tayong tawagan ng pansin ang mga pagkukulang sa layong maging sakdal at kalugod-lugod ang ating paglilingkod sa Panginoong Diyos. Masigasig tayo sa loob ng Iglesia, pero ganito rin ba tayo para sa bayan? Ang pandarambong ni Joseph Estrada, pandaraya ni Gloria Arroyo, pork barrel sa ilalim ni Noynoy Aquino, at extrajudicial killings ni Rodrigo Duterte ay ilan lang sa mga isyung yumanig sa publiko, ngunit nakabibingi ang katahimikan natin noon. Tanda ko pa ang tagubilin na iwasan ang pakikilahok sa rally at anumang pagtuligsa sa gobyerno dahil ito ay pakikialam sa makalupa, maka-sanlibutan, at maruming mundo ng pulitika. Ngayon, hindi na maikukubli ang ating kulay sa pangunguna ni Senator Marcoleta at sunod-sunod nating kilusan. Ano po ang nagbago? Ipinaglalaban ba talaga natin ang kapakanan ng bayan, o kung saan lang tayo makikinabang? Opo, sumasampalataya ako na bumoboto tayo sa pag-aakalang gagawin ng mga pinuno ang tama at makatarungan, at wala na tayong kinalaman sa kanilang mga pasya lalo sa katiwalian. Ngunit, mahirap na laging magtago at magpanggap na “nabudol”, lalo kung ang pinag-uusapan ay mga kandidatong may kasaysayan ng pang-aabuso, pandarambong, at paglabag sa karapatang pantao. Lantad na iyon, at maraming nagbabala na maaaring maulit ang lahat nang iyon kung makabalik sa Malacañang ang pinatalsik na dinastiya. Sa kabila nito, kanino ulit natin ipinagkatiwala ang kapangyarihan? Kay Ferdinand Marcos Jr. Lagi nating sinasabi na hindi sila nakinig sa Iglesia, ngunit hindi ba tayo rin? Hindi ba marapat lang aminin na nagkamali tayo at tama nga sila? Maraming nagsasabing sila ay para sa pananagutan. Sana ay pangatawanan natin ito at simulan sa ating sarili. Iyon ang accountability. We are one Kasabay ng pagtatapos ng rally noong July 2, nagkaroon ng tahimik ngunit natatanging pagsamba sa Templo Central. Tila sorpresa at biglaan ito dahil hindi man lang napuno ang left and right wing, ngunit nagpasya akong saksihan ang pangangasiwa ng Kapatid na Angelo Eraño Manalo, ang pangunahing katuwang ng Tagapamahalang Pangkalahatan. “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.“ Filipos 4:6-7 – Excerpt from a Special Worship Service officiated by Bro. Angelo Eraño Manalo, INC Central Temple, July 2, 2026 Muli akong nabuhayan ng loob. Sa gitna ng sumasamang kalagayan ng mundo, narito ang Pamamahala, pinapaalala kung paano ba talaga pinatutunayan ang pananalig sa Ama ayon sa Biblia. Lubos akong nasisiyahan sa tuwing nakikita ko ang bawat kapatid na masiglang nagkakaisa sa mga pagsamba, aktibidad, at paglilingkod sa Diyos. Ngunit sana, isaisip rin natin ito: We are one, but for what cause, and at what cost? Napakasama na ng sanlibutan. Laganap ang matinding katiwalian at mga hipokritong nagmamalinis para sa makasariling hangarin, kaya nararapat lamang na ipaglaban natin ang katotohanan at katarungan nang buong tapang, buong sigasig, at walang pinapaboran. Ngunit, huwag sana tayong mahuhulog sa mga usapang puno ng poot, karahasan, pagtutungayaw, at pagbabanta. Matuto tayong manindigan ngunit mapagmatiyag laban sa pandaraya ng kadiliman na nais pagsamantalahan ang mabuti nating panawagan. Tandaan po natin: tayo ay Iglesia Ni Cristo. Taglay natin ang banal Niyang pangalan. Huwag nating hayaang ito ay madungisan. Para kay Rodante Marcoleta, hindi ka lamang senador: ikaw ay aking kapananampalataya. Hindi man ako parating sang-ayon sa iyo, nagpapasalamat ako dahil hindi tulad ng iba, nagpakatapang kang harapin ang iyong kaso. Nananalangin ako sa Ama na sana’y pagkalooban ka Niya ng lakas at mahayag ang buong katotohanan. Para sa aking mga kababayan, muli akong humihingi ng paumanhin. Hindi man tayo nagkakasundo sa pananampalataya, sana ay magkaisa pa rin tayo tungo sa tunay na katarungan para sa bayan. At para sa aking mga kapatid, marahil ay nagtataka kayo o baka masama ang tingin sa akin. Ako po ay lumaki sa Templo Central, naging masiglang mang-aawit sa PNK, pangulo ng kapisanan, naglingkod sa INCTV, at nakadapuang-palad ang Kapatid na Eduardo Manalo sa kanilang mga pagdadalaw at Balikbayan Day. Hindi ako ministro, hindi manggagawa, at hindi nagmula sa ganoong sambahayan, ngunit tulad ninyo, mahal ko ang Iglesia Ni Cristo. Taliwas sa hangarin ng mga lumalaban, hindi ko nais umalis dito o makita ang pagbagsak nito. Lubos akong nanghahawak sa ating pananampalataya, at paninindigan ko ito hanggang sa wakas. Ngunit ang pag-ibig ring iyon ang nagtulak sa akin na tawagan ng pansin ang mga nakikita kong mali at paglabag. Hindi ko hahayaang mabulag at maligaw tayo ng kasamaang mapanlinlang, kaya’t sana ay alalahanin natin ang tunay na kahulugan ng pagiging Iglesia Ni Cristo: Marangal, Naninindigan sa tama, At isinasabuhay ang katapatan at pananampalatayang itinuro ng Panginoong Jesucristo. “Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.“ Filipos 4:8-9 Sa ating muling pagsasama-sama, sa kapilya man o lansangan, nawa’y maghari sa atin hindi ang galit o poot, kung hindi ang pag-ibig at paglingap ng Ama na Siyang magbibigay ng tunay na katarungan at pagtatagumpay. Siya ang ating kanlungan. Lagi lamang nating tuparin ang Kanyang kalooban. Tulungan nawa tayo ng Panginoong Diyos. – Rappler.com Nathaniel Ocampo (not his real name) is an active member of the Iglesia Ni Cristo in Metro Manila. He used to be a choir member and is now part of INC’s Christian Family Organizations. Rappler agreed to allow the author to use a pseudonym for security purposes.
[OPINION] Para sa aking mga kapatid
Full Article
Original Source
Read the full article at Rappler →KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.