[In This Economy] Ano ang pakinabang mo sa mga ipinangako sa SONA 2026?

[In This Economy] Ano ang pakinabang mo sa mga ipinangako sa SONA 2026?

Kung may isang malinaw na tema ang SONA 2026 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay: ramdam na ramdam na umano ng Malacañang ang bigat ng gastusin ng karaniwang pamilyang Pilipino. Kuryente. Buwis. Bigas. Gamot. Langis. Ilan lang ito ang mga salitang direktang nakaaapekto sa budget ng bawat tahanan. Kaya hindi nakapagtatakang malakas ang palakpakan nang sabihin ni Pangulong Marcos na panahon na para alisin sa electric bills ang “system loss charges”, pati VAT o buwis na ipinapatong dito. (READ: EXPLAINER: What is system loss, and how does it affect your power bill?) Aniya, hindi naman kasalanan ng konsyumer kung may system loss. Tama naman. Ang system loss kasi ay ang kuryenteng nawawala habang dinadala mula planta papunta sa mga bahay at negosyo. May teknikal na dahilan para rito, tulad ng init sa linya at transformer losses. May non-technical din, tulad ng pagnanakaw ng kuryente o illegal connections. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, puwedeng ipasa ng distribution utilities ang bahagi ng system loss sa mga consumer, basta pasok sa cap o quota ng Energy Regulatory Commission (ERC). Sa madaling sabi, nagbabayad tayo hindi lang para sa kuryenteng nagamit natin, kundi pati sa kuryenteng nawala bago pa man makarating sa atin. Kung matatanggal nga ito, talagang may bawas sa bill. Ayon sas Meralco, ang system loss charge ay nasa bandang 5 porsiyento ng buwanang bill ng customers. Hindi maliit iyon, lalo na sa pamilyang naghahabol ng bawat piso. Ayon naman sa Department of Energy (DOE), maaaring umabot sa 5% hanggang 10% ang matitipid ng consumers, depende sa system loss rate ng kanilang utility. Sa Meralco, nasa 5.72% ang system loss rate nitong unang quarter ng 2026, mas mababa sa 6.5% na cap na itinakda ng ERC. Giit ng Meralco, hindi naman daw sila kumikita sa singil na ito: ipinapasa lang nila ang nakokolekta sa mga generation company at sa National Grid Corporation of the Philippines. Pero ang tanong: saan mapupunta ang gastos? Kung hindi na ito ipapasa sa consumers, sasagutin ba ito ng distribution utilities? Kung oo, paano maaapektuhan ang kanilang operasyon, lalo na ang rural electric cooperatives? Kung hindi nila kaya, hihingi ba sila ng subsidy mula gobyerno? At kung subsidy, hindi ba taxpayers din ang magbabayad sa huli? Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, dapat daw pasanin ng electric cooperatives ang gastos. Samantala, nagbabala si Meralco chairman Manuel V. Pangilinan na maaaring hindi makaligtas ang power industry kung sila ang sasalo, dahil aabot daw ang gastos sa bilyon-bilyong piso. Kapansin-pansin na nagmula ang babalang ito sa kumpanyang kumita ng record na P50.6 bilyon noong 2025. Ibig sabihin, magandang ideya sana ang alisin ang system loss sa bill. Pero kailangan ding bawasan mismo ang system losses sa pamamagitan ng mas maiging supply: ayusin ang grid, habulin ang mga nagnanakaw ng kuryente, pagbutihin ang metering, at gawing mas accountable ang utilities. Kung hindi, baka ilipat lang natin ang bayarin mula monthly electric bill papunta sa national budget. Hindi rin ito mangyayari bigla-bigla. Kailangan din munang amyendahan ng Kongreso ang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act), ang 25-taong gulang na batas sa likod ng sistemang ito. Target ng DOE na maipatupad ang direktiba sa loob ng isang taon, pero maaaring magtagal daw dahil mahigit 100 electric cooperatives at distribution utilities ang kailangan nilang suriin isa-isa. Kapag tinanggal ang system loss charge, kusang mawawala rin ang VAT na nakapatong dito. Ibang usapan na ang pagtanggal ng VAT sa buong electric bill. Mas mababang income tax? Hinggil naman sa tax relief na binanggit ni Marcos sa kanyang SONA, hiniling niya sa Kongreso na itaas ang annual income tax exemption threshold mula P250,000 tungong P350,000. Kung maisabatas, malaking tulong ito sa formal workers na kumikita nang kaunti lampas sa kasalukuyang threshold. Sa ilalim ng TRAIN law, ang kumikita ng higit P250,000 kada taon ay nagsisimula nang magbayad ng income tax. Kaya ang pagtaas ng threshold ay dagdag sa take-home pay. Gaano kalaki ang epekto? Tinataya ng tax expert na si Mon Abrea na mahigit isang milyong taxpayers na kumikita ng P250,000 hanggang P350,000 kada taon ang hindi na magbabayad ng income tax. Maaari silang makatipid ng hanggang P15,000 kada taon, o mga P1,250 kada buwan. Makikinabang din ang kumikita nang lampas P350,000, dahil lalaki ang tax-free na bahagi ng kanilang kita. Maganda ito. Matagal na kasing kinain ng inflation ang dating halaga ng P250,000 threshold (na itinakda pa noong 2018). Ang dating sapat ay kulang na ngayon. Pamasahe pa lang, pagkain, kuryente, tubig, renta, tuition, internet, at gamot, halos wala nang pahinga ang household budget. Ngunit tulad ng anumang polisiya, may limitasyon ito. Una, makikinabang dito ang mga formal workers na nagbabayad ng income tax. Hindi ito direktang makakatulong sa pinakamahihirap, informal workers, contractual workers, vendors, farmers, fisherfolk, at iba pang walang sapat o regular na taxable income. Ikalawa, may kapalit ito sa kita ng gobyerno. Kung babawasan ang buwis, saan kukunin ng gobyerno ang perang gagamitin para sa kalusugan, edukasyon, flood control, ayuda, at iba pang serbisyo? Hindi ibig sabihing mali ang tax relief. Pero dapat malinaw ang financing. Kung hindi, baka ang “ginhawa” ngayon ay maging dagdag sa utang ng bansa bukas. Ito ang laging trade-off sa ekonomiya: ika nga, there’s no such thing as a free lunch, kahit pa sa SONA. May paraan naman para pagaanin ang trade-off. Mungkahi ni Abrea, bawiin ang mawawalang revenue hindi sa pagtataas ng ibang buwis, kundi sa mas mahusay na tax administration: habulin ang tax evaders at ang mga may unexplained wealth, i-digitalize ang pangongolekta, at ipatupad ang OECD Global Minimum Tax para manatili sa bansa ang buwis mula sa malalaking multinationals. Mas maganda din kung ang tax relief ay sabayan ng seryosong pagbawas sa sayang at kurakot. Hindi puwedeng sabihin ng gobyerno na kulang ang pera para sa serbisyo, habang may confidential funds, ghost projects, overpriced flood control, at sandamukal na pork projects. Sa puntong ito, mahalaga ang sinabi ni Marcos hinggil sa flood control corruption. Kung totoo ngang may bilyun-bilyong pisong na-recover, frozen, o preserved, mabuti. Pero hindi sapat ang announcement. Kailangang may makulong, madisbar kung dapat, ma-blacklist na contractors, at reporma sa procurement. Sa huli, ang tanong ay simple: pagkatapos ng SONA, gagaan ba ang buhay ng pamilyang Pilipino? Posible, ngunit hindi automatic. Kung matatanggal ang system loss charges nang hindi sinisira ang power sector o ipinapasa lang sa taxpayers ang gastos, makakatulong iyon. Kung tataas ang tax exemption threshold nang may malinaw na revenue plan, makakatulong iyon. Kung magiging mas accessible ang gamot, mas mura ang bigas, mas maayos ang transportasyon, at mas malinis ang public spending, mas ramdam iyon. Pero kung puro headline lang ang mangyayari, mabilis mawawala ang epekto. Ang SONA ay hindi lang resibo ng nagawa. Ito ay listahan ng pangako, priorities, at political signals. Ang totoong sukatan ay hindi palakpakan sa Batasang Pambansa, kundi bayarin sa bahay. Magiging mas mababa ba ang electric bill? Mas malaki ba ang take-home pay? Mas mura ba ang pagkain? Mas mabilis ba ang biyahe? Mas abot-kaya ba ang gamot? Mas ligtas ba ang bahay tuwing baha? Kung hindi oo ang sagot sa lahat ng iyan, kulang pa ang SONA—kahit gaano ito kagandang pakinggan. – Rappler.com Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an associate professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast. His first book, False Nostalgia: The Marcos “Golden Age” Myths and How to Debunk Them, was published by Ateneo de Manila University Press in February 2023. His second book, Twin Plagues: How Duterte and Covid-19 Wrecked the Philippine Economy, will be published by Penguin Random House SEA in June 2026. Follow him on Instagram (@jcpunongbayan). Below are In This Economy pieces you may have missed: Click here for other In This Economy articles.

Original Source

Read the full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.