[EDITORIAL] Predators in the digital shadows

[EDITORIAL] Predators in the digital shadows

Pero para sa mga batang isolated at kausap lamang ang cellphone at laptop, ito ang pangunahin nilang realidad Isa na namang barilan sa paaralan ang naganap sa Zamboanga, hindi kalaunan sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban. Sa parehong pagkakataon, lisensiyado ang mga baril na ginamit ng mga menor-de-edad. Habang iniigpawan natin ang takot, pighati, at pagkalito, ang tanong na nangingibabaw ay ito: papaano natin matitiyak na hindi na ito muling mauulit? Ayon sa mga eksperto susi ang mapagmatiyag na pamilya, sapat na serbisyo ng mental health, proteksiyon laban sa online radicalization, at mapagbantay na mga paaralan. Sabi pa ng isang eksperto, “Kung ang sagot ay nagsisimula sa gate ng paaralan, huli na ang lahat.” Komplikado ang problema. Anong kultura ba ang nilalanguyan ng kamalayan ng mga batang Pilipino ngayon? Pangkaraniwan ang karahasan sa telebisyon, babasahin, at higit sa lahat, sa internet. Sa ilalim ng nakalipas na administrayon ni dating presidente Rodrigo Duterte, laganap ang lengguwahe ng pagpatay at karahasan na nag-translate sa tunay na buhay sa porma ng extrajudicial killings. Pero hindi ‘yan ang buong larawan: Ikinakabit ang karahasan sa Tacloban sa paglaganap ng “grooming” ng mga bad actors sa internet. Ito ang pangbe-brainwash ng kabataan upang makapagtanim ng nihilistic violent extremism, isang subculture kung saan ginagatungan ang galit ng kabataan sa kapwa tao. Naliligawan ang mga bata sa gaming sites tulad ng Roblox, Minecraft at mass multiplayer shooting games, at dinala sila sa messenging apps tulad ng Discord, Telegram, at Facebook Messenger para sa one-on-one na interaksiyon. Bulnerable ang mga batang dysfunctional ang mga pamilya — sa harap ng hirap ng buhay sa Pilipinas, maaaring abala sa hanapbuhay ang mga magulang at hindi napapansin ang pagkalulong ng mga bata sa gaming at hindi nasisilip ang anti-social behavior. Madalas nating tinitingnan ang “online extremism” na tila malayo sa bituka. Pero para sa mga batang isolated at kausap lamang ang cellphone at laptop, ito ang pangunahin nilang realidad. Ito ang kalagayang ine-exploit ng mga predator na ito — ang kalungkutan, ang pakiramdam na sila’y nag-iisa. May aasahan ba tayo sa gobyerno at platforms sa paglaban sa sopistikadong network ng mga groomers? Maingay ang mga politiko at mga multimillion-dollar companies na pursigido sila sa paglaban ng online extremism. Habang dapat tayong patuloy na mag-demand ng aksiyon, hindi sila ang sagot sa problema. Kasunod ng school shootings ang pagpapatindi ng seguridad ng ating mga paaralan — this is all well and good. Mas maraming guwardiya, metal detectors, bag inspections — nae-expose ngayon na salat pala ang seguridad sa mga eskuwelahan, tulad din ng pagiging salat ng mga silid-aralan. Kapag nagkasya tayo sa debate kung nakasasama nga ba ang online games, we miss the point. Ayon sa mga psychologist, kailangang pumasok din ang mga magulang at guro sa online spaces na ito. Nasa kamay ng mga magulang at guro ang pagtatapos ng alienation ng mga bata. Higit kailanman, it takes a village to raise a child. – Rappler.com How does this make you feel? Loading

Original Source

Read the full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.