Sa pag-a-amplify sa content na lantarang ibinabaliktad ang sinabi ni Chel Diokno — ipinahiram ni Pia ang otoridad ng kanyang opisina sa disinformation. Kamakailan, nag-post sa Facebook si Senadora Pia Cayetano ng isang spliced video ng isang paliwanag ni Akbayan Representative Chel Diokno sa harap ng impeachment court. Marami sa atin ang pumuri sa linaw at talas ni Diokno sa explainer tungkol sa “fishing expedition” at kung bakit hindi ito nag-a-apply sa mga request ng prosecution para sa subpoena ng tax at bank records ni Vice President Sara Duterte. Pero binabaliktad ng video ang lahat ng sinabi ni Diokno, at pinalalabas na “NAGBABASAKALI LNG?” ang prosecution. Palalampasin ba natin ito na lapse in judgment lamang ni Senadora Pia? Hindi dapat, dahil saklaw ng isyung ito ang judicial integrity na esensiyal sa tungkulin ni Pia Cayetano bilang halal na senador. Habang political process ang impeachment, sumumpa ang senator-judges na tatalima sa “impartial justice” ayon sa Konstitusyon at batas. Kapag nagtatampisaw ang isang senator-judge sa rambol ng digital space, hindi lang nasasaling ang sagradong proseso, kundi naagnas niya rin ito. Sa pag-a-amplify sa content na lantarang ibinabaliktad ang sinabi ni Diokno sa kapatid niyang si Senador Alan Peter Cayetano — ipinahiram niya ang otoridad ng kanyang opisina sa disinformation. Nabubuhay tayo sa yugto ng kasaysayan kung saan ang deepfakes, spliced clips, at viral disinformation campaigns ay ginagamit o weaponized upang manira ng reputasyon at iligaw ang publiko. Responsibilidad ng isang mambabatas na maging kalasag laban sa mga ganitong taktika, hindi maging megaphone para dito. Nananawagan ang koalisyong Every Woman na mag-inhibit si Pia Cayetano sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Nagsampa naman ng ethics complaint ang civil society network na Tindig Pilipinas laban sa senadora. Ang prosecution naman, ayaw na lang madistract sa trabaho nito kaya’t hindi na nag-aksaya ng laway. Bakit mahalagang mabigyang pansin ito ng liderato ng Senado at ng komiteng tumatalakay sa ethics? Tila maliit, pero pundamental na isyu ng Senado ang binubuksan ng spliced video na inamplify ni Senadora Pia: Puwede bang manatiling impartial ang isang senator-judge kung buong puso niyang inilalako ang naratibo ng isang panig ng kaso? Remember ‘yung ipinalabas ni Imee Marcos na propaganda video sa umano’y charter change plot daw ng minorya sa pamumuno ni Tito Sotto? Magkahalintulad ang dalawang insidente. Kapag hinahamak ng mga tulad ni Pia Cayetano ang isang prosecutor, nasaan na ang fairness na dapat ay bedrock ng paglilitis? Kapag mismong hukom sa impeachment ang nag-e-engage sa tinatawag ng Akbayan (partido ni Diokno) na “trolling” ng prosecution team — tinatalikuran na ng hukom ang papel niya bilang “impartial judge” at nagiging partisan actor na siya sa tunggalian. Kamakailan, naglaho ang video sa Facebook ni Pia Cayetano nang ganoon na lang — walang paliwanag or paghingi ng paumanhin. Nabura man ang digital footprint, malinaw pa rin ang senyales sa publiko: ipinapahiwatig nito na para kay Pia Cayetano, kaya niyang i-stretch ang code of conduct ng isang hukom sa impeachment court, at puwedeng i-relax ang judicial decorum sa ngalan ng social media engagement. Kung nais ng Senate impeachment court na huwag mapulaan ang kredibilidad nito, kailangang pasunurin sa mas mataas na standard ng mabuting asal ang mga miyembro nito. Pero nakabibingi ang katahimikan ng Senado at ni Presiding Officer Chiz Escudero sa issue. Traumatized na ba sila kay Alan Peter at sa kanyang kilometric kuda at Facebook Live na pihadong kasunod kapag na-reprimand ang kapatid na si Pia? Litmus test ang spliced video ni Pia Cayetano sa kung paano iha-handle ng impeachment court ang unethical and partial behavior ng mga miyembro nito sa digital front. Abangan kung sino pa ang susunod sa yapak ni Senadora Pia. – Rappler.com How does this make you feel? Loading
[EDITORIAL] Impartial justice — ‘yan ang sinagasaan ng ‘trolling’ ni Pia Cayetano
Full Article
Original Source
Read the full article at Rappler →KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.