[EDITORIAL] Huwag kalimutan ang kuwento ng pekeng propeta: Apollo Quiboloy

[EDITORIAL] Huwag kalimutan ang kuwento ng pekeng propeta: Apollo Quiboloy

Kailangan siyang managot, saan mang korte ‘yan mangyayari. Pero hindi ‘yan ang katapusan, dapat ding kalasin ang network at kultong nanlinlang at nagsamantala sa mga tagasunod nito. Sa gitna ng papalapit na ICC trial ni Rodrigo Duterte at ang posibleng conviction ng anak na si Vice President Sara Duterte, sinimulan na rin ang extradition ng bespren ni Digong na si Apollo Quiboloy, ang self-proclaimed “Appointed Son of God.” Tulad ng mga Duterte na ngayon lang nahahalungkat ang bilyon-bilyong umano’y tagong yaman, nagkamal din si Quiboloy ng multi-milyong mga ari-arian sa Estados Unidos at Canada. Ayon sa imbestigasyon ng Rappler, nagmay-ari siya ng mga bahay na tinatantiyang P262.52 million sa Hawaii at Las Vegas. Idagdag pa diyan ang tatlong bahay na natuklasan ng Rappler — isa sa US at dalawa sa Canada — na estimated na may halagang P338 million. Paano siya nakapagpayaman nang ganito? Sa pamamagitan ng testimonya ni Maria de Leon sa Estados Unidos, ang insider at taga-ayos ng papeles ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), nakita ng mga otoridad sa US kung paano minanipula ng grupo ang American immigration system. Dahil sa paperwork ni De Leon, nagpatuloy ang KOJC members sa US kung saan nagso-solicit sila ng donations para sa pekeng charity. Pawis at dugo ng mga “children” ng kanyang “kingdom” ang dahilan bakit nakapagkamal ng yaman si Quiboloy at KOJC. Nagsipag-quit sila sa eskuwelahan, nagbenta ng ari-arian, nag-apply ng loans — para lamang makatugon sa “quota.” Pinaparusahn sila kapag hindi nakapag-intrega, at inaabandona kapag nagkasakit. Sa harap ng pagsamba ng kanyang tagasuporta, naganap din ang sexual abuse ng mga babae at menor-de-edad na tinawag nilang “pastorals.” (BASAHIN: Quiboloy sexually abused women, minors – ex-followers, US prosecutors) Pero ang gulugod ng invincibility ni Quiboloy ay ang patronage system ng Pilipinas — niligawan siya ng mga pulitiko para sa political endorsement. Nagsilbi silang kalasag o shield mula sa scrutiny bilang kapalit ng bloc votes at media-kuno coverage. Dito nabuo ang culture of impunity na bumalot kay Quiboloy at KOJC kung saan hindi sila maabot ng batas. Lagpas sa political patronage, classic religious charlatan si Quiboloy — he weaponized faith, piety, and desperation. Ginamit niya ang religious devotion ng mga Pilipino upang makapagdikta ng total obedience, financial tithes, and personal servitude. Gamit ang maskara ng “divine ministry,” minanipulate niya ang followers niya na maging bahagi ng labor scams, sexual abuse, at financial schemes. Sa Estados Unidos kung saan siya ay nasa FBI most wanted list, na-document ang sex trafficking by force, fraud, at money laundering, na nagpondo ng mga multi-million-dollar estates, high-end na mga sasakyan, at isang mamahaling private gun collection. Tulad ng maraming mantsa sa ating lipunan, we must never forget the story of Quiboloy. Siya ang kuwento ng religious fanaticism at ng patronage politics na nagpoprotekta sa makapangyarihan. Maaaring ituring na turning point ang extradition ni Apollo Quiboloy sa matagal nang nakabinbin na pagtutuos sa hustisya. Pero bakit US pa ang magpapataw ng katarungan? Tulad ng katuwirang bakit nag-step in ang International Criminal Court sa mga umano’y krimen ni Duterte, na-delay ang hustisya sa Pilipinas na nagkanlong kay Quiboloy at KOJC. Kailangan siyang managot, saan mang korte ‘yan mangyayari. Pero hindi ‘yan ang katapusan, dapat ding kalasin ang network at kultong nanlinlang at nagsamantala sa mga tagasunod nito. Bantayan natin ang aksiyon diyan ng mga kinauukulan. – Rappler.com How does this make you feel? Loading

Original Source

Read the full article at Rappler →

KhanList aggregates and links to publicly available news content. We do not host full articles from third-party sources. Always verify important information with original sources.